Lima na ang kabuuang bilang ng novel coronavirus 2019 disease (COVID-19) sa Pilipinas matapos iulat ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes ang dalawang bagong kaso. Sa limang kaso, isa ang namatay, at dalawa na ang gumaling.
Sa press briefing, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na isa sa bagong kaso ay isang 48-anyos na Pinoy na nanggaling sa Japan.
"The patient returned to the Philippines last February 25 and experienced chills and fever beginning March 3. The patient sought medical consultation at a hospital and samples were collected for testing," sabi ni Duque.
Nakumpirma na mayroon siyang virus nitong Huwebes, Marso 5.
Ang ikalimang pasyente ay isang 62-anyos na Filipino sa San Juan City na walang travel history sa abroad. Gayunman, madalas umano siyang bumisita sa isang Muslim prayer hall at mayroong hypertension at diabetes.
"The patient sought medical consultation at a hospital in Metro Manila last March 1 and was admitted with severe pneumonia. Specimen collected on March 4 tested positive for COVID-19 on March 5," paglalahad ni Duque.
Kaugnay nito, tiniyak ni presidential spokesperson Salvador Panelo na handa ang pamahalaan na harapin ang banta ng virus.
"There is no need for alarm or worry because we are ready. From the very start we already said that," sabi ni Panelo sa mga mamahayag.
Ayon pa sa opisyal, tiyak umanong pagbibigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hiling na P2-billion supplemental budget ng DOH na gagamitin sa pagtugon sa problema ng coronavirus.
Sa ngayon, maayos umano ang lagay ng 48-anyos na pasyente habang may matinding pulmonya ang 62-anyos na pasyente.
Nagsagawa na rin ng contact tracing ang Philippine National Police at airline companies sa mga posibleng nakasalamuha ng dalawa.
Bagaman sinasabing walang history record na nangibang-bansa ang isang pasyente, nilinaw ng DOH na hindi pa puwedeng sabihin na may local transmission na ng virus sa bansa.
"The absence of travel is a clear indication that this is a local case," patungkol ni Duque sa 62-anyos na pasyente. "There is no transmission to speak of as of yet because we only have one. That's why we're doing contact tracing."
Paliwanag ng kalihim, maaaring lang sabihin na mayroon nang local transmission kapag may dalawa o higit pang pasyente na nagkaroon ng virus na pawang hindi nag-abroad.--FRJ, GMA News
