Inihayag ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia na posibleng umabot sa hanggang 60,000 manggagawa ang mawawalan ng trabaho sa bansa dulot ng paghina ng turismo at kalakalan dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa pulong balitaan matapos ang Economic Development Cluster meeting sa Manila nitong Martes, sinabi ni Pernia na maaaring nasa hanggang one percentage point ang maaaring matapyas sa growth target ng bansa ngayong taon dahil sa virus scare.

“In terms of economic growth, the corresponding impact would be 0.5 to 1 percentage point shaved off from our target of 6.5% to 7.5% of real GDP (gross domestic product) growth in 2020,” ayon sa opisyal.

“This is assuming that the COVID-19-induced disruption will last until the end of June this year,” dagdag niya.

Bukod sa turismo, may ilan pang industriya ng kalakalan ang direktang apektado ng pangamba sa pagkalat ng virus.

Sa pagtaya ni Pernia, nasa P93 bilyon hanggang P187 bilyon, “which is equivalent to 0.4% to 0.9 percent of GDP,” ang potensiyal na kita ang umano'y mawawala.

“With the slowdown of economic activities, there would a concomitant reduction in employment of around 30,000 to 60,000 jobs in the travel and tourism sector,” paliwanag niya.

Posible rin umanong maapektuhan ng COVID-19 scare ang inflation sa mga susunod na buwan na tinatayang nasa 0.1 hanggang 0.2 percentage point ang maging pagtaas.

Para matulungan ang mga mawawalan ng trabaho, sinabi ni Labor Assistant Secretary Dominique Tutay na magkakaloob ang Department of Labor and Employment ng financial assistance, livelihood programs, at job placement sa mga maaapektuhang manggagawa.

Ayon kay Pernia, may tatlong bahagi ang COVID-19 Mitigating measures na ipatutupad ng pamahalaan.

“The Phase 1: The response focuses on public health measures to minimize the duration and contain the spread of the virus,” paliwanag niya.

Kapag ligtas na umano ang mga tao ang bumiyahe, pagpapatupad naman ng mga programa ang pamahalaan sa pamamagitan ng Phase 2 para maibalik ang sigla ng ekonomiya.

Kabilang umano sa mga hakbang na ito ang pag-alis ng travel tax para hikayatin ang mga tao na mamamasyal at palakasin muli ang turismo.

“Phase 3 ensures the country is better prepared for the next epidemic or pandemic thru strategic investments in the medical field,” dagdag ni Pernia. —FRJ, GMA News