Pinag-aaralan na umano ng pamahalaan ang ilang hakbang na maaaring ipatupad kapag lumubha ang sitwasyon sa pagkalat ng nakahahawang coronavirus disease 2019 (COVID-19), ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles.

Sa panayam ng Dobol B sa News TV nitong Miyerkules, sinabi ni Nograles na kabilang sa mga pinag-aaralan ang pagpapatupad ng four-day workweek sa ilang sangay ng gobyerno.

"Isa ito sa mga option na maaring gamitin lalo na sa government offices na medyo exposed sa COVID-19," sabi ni Nograles, miyembro nng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease.

"Right now, nasa punto pa lang na pinag-aaralan itong option na ito," dagdag niya.
Ayon pa sa kalihim, pinag-uusapan ng task force ang pagbuo ng "small groups" na kasama ang Civil Service Commission (CSC). Pero hindi pa raw ito natatalakay kay Pangulong Rodrigo Duterte.

"Dun sa task force meeting with President Duterte presiding, hindi pa namin na-bring up ito sa kanya pero ito ay napag-usapan na in small groups ng task force in coordination with the Civil Service [Commission]," paliwanag ni Nograles.

Maaari umanong ipatupad ang four-day workweek kapag nagkaroon na ng "clustering" o mga lugar na matinding naapektuhan ng COVID-19. Sa piling lugar lang at hindi sa buong bansa ipatutupad ang four-day workweek.

"Sa ngayon kasi sporadic pa," saad niya.

Nitong Martes, umabot na sa 33 ang kaso ng kompirmadong nahawahan ng virus sa Pilipinas.

Idineklara na ni Duterte na under state of public health emergency ang bansa. —FRJ, GMA News