Kusang sasailalim sa quarantine ang dalawang senador at dalawang kalihim dahil may mga tao silang nakaugnayan na nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19).

Sa magkakahiwalay na pahayag, ipinabatid nina Finance Secretary Carlos Dominguez III, at Senador Sherwin Gatchalian at Nancy Binay, ang kanilang pag-self-quarantine dahil napag-alaman na nagpositibo sa virus ang mga tao na kani-kanilang nakaugnayan.

Nag-self quarantine din si Manila Mayor Isko Moreno matapos na bumalik sa bansa mula sa United Kingdom na mayroong mahigit 300 kaso ng COVID-19.

Ayon kay Dominguez, ang isang pasyente na nagpositibo sa COVID-19 ay nakausap niya sa DOF at kinamayan niya.

Wala naman daw nararamdamang sintomas ng sakit si Dominguez pero magpapa-COVID test na rin siya.

Sinabi naman DOTr Assistant Secretary Goddes Libiran, na na-expose din si Tugade sa isang tao na lumitaw kinalaunan na positibo sa virus.

Magkakahiwalay ding ipinaalam nina Sens. Gatchalian at Binay na may tao silang nakausap sa Senado noong Marso 5, na kinalaunan ay nasuri na positibo rin sa COVID-19.

Bukod sa mga senador, inatasan na rin ang kani-kanilang kawani na mag-self quarantine bilang pag-iingat.

Sa panayam naman ng "State of the Nation (SONA) with Jessica Soho," sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na "isasara" na muna ang Senado para sa gagawing pag-disinfect sa gusali.

Sinabi naman ni Mayor Isko na sa city hall siya ng Maynila magse-self quarantine.

"I'm going to submit myself to self-quarantine para lang mapanatag kayo," sabi ng alkalde sa Facebook live video. "I'm going to stay in City Hall and I will do some tests also para panatag ang lahat."-- FRJ, GMA News