Umakyat sa 52 ang kabuuang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) infections sa Pilipinas matapos itong madagdagan ng tatlo, ayon sa Department of Health (DOH) nitong Huwebes.
Gayunman, ito na ang pinakamababang naitalang dagdag na kaso ng COVID-19 ngayong linggo. Mula sa tatlong kaso noong Pebrero 5, umakyat ito sa lima noong nakaraang nakaraang Biyernes, Marso 6.
Pero makalipas ng dalawang araw, umakyat ito sa 10 kaso. Pagsapit ng Lunes, nadoble na ito sa 24 kaso at pagdating ng Martes, Marso 10, nadagdagan pa ito ng siyam, at lumobo sa 49 na kaso nitong Miyerkules.
Sa isang panayam ng Super Radyo dzBB nitong Huwebes, sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na mula sa kaniyang lungsod ang dalawa sa tatlong bagong pasyente ng COVID-19.
"I think, ngayon, the list is now 52. Yeah, 'yung list na nahuli kong nakita, although baka nadagdagan ulit. The last time I saw it, it was already 52 and two of the additional 3 are from Quezon City," ayon sa alkalde.
Ayon sa DOH, nagsasagawa na ng information-gathering at contact tracing ang mga awtoridad sa mga taong nakasalamuha ng tatlong bagong pasyente.
Batay sa datos ng DOH, pawang Filipino ang tatlong bagong pasyente, at galing sa Quezon City sina Patients 50 at 51.
Nasa The Medical City si Patient 50, isang babaeng 69-anyos.
Samantalang 26-anyos naman si Patient 51 na isang lalaki at nakaratay sa Makati Medical Center.
Nasa Asian Hospital and Medical Center naman si Patient 52, babaeng 79-anyos na may history ng pagbiyahe sa United Kingdom.
Inaalam pa umano ng DOH kung saan nakatira si Patient 52. --FRJ, GMA News
