Iniulat ng Department of Health na tatlo pang pasyente ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas ang sumakabilang buhay na. Dahil dito, umakyat na sa lima ang kabuuang bilang ng mga pumanaw sa bansa dahil sa naturang virus.

Sa pahayag ng DOH, tinukoy na ang mga nasawing pasyente ay sina Patients 5, 6, at 37.

Sina Patient 5, 62-anyos at Patient 6, 59-anyos, ay mag-asawa na mula sa Cainta at nakaratay sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

Si Patient 5, na madalas umanong magtungo sa Muslim prayer hall sa Greenhills, ay nagsimulang magkasakit noong Pebrero 25, at nagpositibo sa COVID-19 sa Marso 5.

Mayroon umanong diabetes, hypertension, at acute kidney injury si Patient 5, maliban pa sa taglay niyang virus. Pumanaw siya nitong Huwebes ng umaga dahil sa acute respiratory distress syndrome mula sa severe pneumonia.

Pebrero 27 naman nang magsimulang magkasakit si Patient 6 at nakumpirma ang virus noong Marso 6.

Diabetic din siya at binawain ng buhay noong Miyerkules ng gabi dahil din sa acute respiratory distress syndrome dahil sa severe pneumonia.

Samantala, si Patient 37 ay 88-anyos na babae na mula sa Pasig City, at mayroong hypertension at nakaratay sa Philippine Heart Center.

Nagsimula namang makaranas ng COVID-19 symptoms ang pasyente noong Pebrero 28, at nakumpirma ang viurs nitong Miyerkules.

Pumanaw siya nitong Huwebes ng hapon dahil sa acute respiratory illness.

Dahil dito, apat na Pilipino at isang Chinese ang bilang ng mga nasawi sa Pilipinas dahil sa COVID-19.

Nitong Huwebes, iniulat ng DOH na umakyat sa 52 ang kabuuang kaso ng COVID-19  infections sa Pilipinas matapos itong madagdagan ng tatlo.

Sa naturang bilang, dalawa ang gumaling at lima ang nasawi. --FRJ, GMA News