Inanunsyo ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri nitong Lunes na nagpositibo siya sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). Aniya, wala siyang nararamdamang sakit kaya pinag-iingat niya ang mga tao dahil sadyang traydor umano ang virus.
Ayon sa senador, noong Biyernes siya nagpasuri tungkol sa virus at ngayong Lunes niya nalaman kay Health Secretary Francisco Duque III ang resulta ng test na positibo siya sa virus.
Dahil walang nararamdamang sakit, kabilang si Zubiri sa mga tinamaan ng virus na na tinatawag na "asymptomatic."
READ: COVID-19: Home quarantine guidelines for persons under monitoring, showing symptoms of the disease
"My heart sank with what he had said but I'm uplifted with the fact that I am asymptomatic and have no fever or cough nor am I weak or have any headaches," ayon sa senador.
Simula umano nang malaman niya noong Miyerkules na may isang bisita sa pagdinig ng Senado na nagpositibo sa COVID-19, sinimulan na umano ni Zubiri na mag-self quarantine kaya naiwasan niyang makisalamuha pa sa ibang tao.
Sa ngayon sa kaniya ng GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni Zubiri na patuloy lang ang kaniyang pahinga at pag-inom ng mga bitamina na magpapalakas ng kaniyang immune system.
Gayunman, pinayuhan umano siya ni Duque na kaagad na magtungo sa ospital sa sandaling magkaroon ng lagnat.
"I hope my coming out will show how dangerously infectious this virus is. Sa aking mga Kababayans, makinig po tayo sa mga babala nang Gobyerno at wag na po kayo lumabas sa inyong mga tahanan. God bless us all," paalala niya. --FRJ, GMA News
