Sumampa na sa 202 ang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas matapos na madagdagan ng 15 ang bagong kaso nitong Miyerkules, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa naturang bilang, 17 pasyente na ang nasawi at pito naman ang gumaling na.
Tinukoy ng DOH ang tatlong bagong nasawi na sina Patients 201, 57, at 160, na pawang mayroon umanong "pre-existing medical conditions" bago pa man makuha ang COVID-19.
Si Patient 201 ay 58-anyos na Pilipino sa Lanao del Sur na may history of travel sa Malaysia.
Dinala siya sa Amai Pakpak Medical Center noong Marso 10 at pumanaw nitong Martes habang hinihintay ang resulta ng kaniyang COVID-19 test. Lumabas ang resulta ng pagsusuri nitong Miyerkules at positibo siya sa virus,
Si Patient 57 naman ay 65-anyos na lalaking Pinoy na naninirahan sa Pasig City at may travel history sa London.
Babae naman si Patient 160 na edad 86 mula sa San Juan City pero walang travel history o exposure sa isang COVID-19 case.
Ang tatlong panibagong kaso naman ng mga gumaling ay sina Patient 15 (24-anyos na mula sa Makati City), Patient 26 (34-anyos na mula sa Camarines Sur), at si Patient 13 (34-anyos na mula sa Quezon City).
Si Patient 15 ay travel history sa United Arab Emirates, habang kabilang sa mga sakay ng coronavirus-hit Diamond Princess cruise ship sa Japan si Patient 26.
Una rito, nagbabala si Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, na posibleng umabot sa 75,000 ang kaso ng COVID-19 sa bansa sa loob ng tatlong buwan kung hindi magiging mahigpit ang implementasyon at pasgsunod sa community quarantine.
"Ito po ay isang modelling estimate na ginawa po ng ating mga eksperto kasama ang WHO (World Health Organization), ang ating mga epidemiologist din po dito sa ating bansa at sinasabi po na ang 75,000 ay aabutin natin kung hindi tayo maglalagay ng interventions na appropriate," sabi ng opisyal sa press briefing.
"Pero ang sinasabi natin we can flatten this curve. Pwede ho nating i-prevent na mangyari na magpeak ang ganitong numero, so ibig sabihin po pwede nating i-spread across many months 'yan if only we can implement stringent measures po katulad nitong social distancing," dagdag niya.
Dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19, idineklara ang Code Red Sub-Level 2, at pinaigting ang community quarantine. Mula sa Metro Manila, pinalawig na rin ito sa buong Luzon.
Nitong Lunes, pinirmahan din ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Proclamation 929, na naglalagay sa buong bansa sa state of calamity. --FRJ, GMA News
