Umakyat na sa 217 ang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa matapos itong madagdagan ng 15 ngayong Huwebes, ayon sa Department of Health.

Walo naman ang gumaling matapos na madagdagan ng isa.

Ang pinakabagong gumaling ay si Patient 20, 48-anyos na Pinoy na lalaki, na mula sa Cavite at bumiyahe sa Japan.

Pinayagan na siyang makalabas ng Research Institute of Tropical Medicine matapos magnegatibo sa COVID-19 test nang dalawang ulit.

Kaunti lang ang impormasyon na ibinigay ng DOH sa mga bagong kaso ng COVID-19 pero may nilinaw sila tungkol sa impormasyon at tirahan ni Patient 57, ang ika-16 na pasyente na pumanaw sa bansa dahil sa virus.

Ayon sa DOH, mula sa Bulacan si Patient 57, at hindi mula sa Pasig City, na kanilang unang inanunsiyo,

“While the Case Investigation Form of the patient stated he lived in Pasig City, upon further validation it was found that it is a family member of his who lives there,” paliwanag ng DOH.

Nananatili naman sa 17 ang bilang ng mga nasawi dahil sa mga komplikasyon na dulot ng virus.

Kaninang umaga, inihayag din ni Health Secretary Francisco Duque III na sasailalim siya sa self-quarantine habang hinihintay ang resulta ng kaniyang COVID-19 test.

Sinasabing nakasalamuha ni Duque ang isang opisyal ng DOH na unang nagpositibo sa virus.

Gayunman, wala namang umanong nararamdamang sintomas ng sakit ang kalihim.--FRJ, GMA News