Nadagdagan pa ng 13 ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, dahilan para umakyat sa 230 ang mga positibo sa naturang virus.

Sa ulat ng Department of Health nitong Biyernes ng hapon, sinabing isa ang nadagdag sa mga nasawi sa virus para umabot na sa kabuuang bilang na 18.

Tinukoy ang nasawing pasyente na isang 65-anyos na lalaki mula sa Quezon City, at may travel history sa Singapore.

Nananatili naman sa walo ang bilang ng mga gumaling.

Muli namang nanawagan si Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa publiko na sundin ang mga paraan sa paglaban sa virus kasama na ang palagiang paghuhugas ng kamay at social distancing.

"Magtulungan po tayo para bumaba na ang kaso ng COVID-19 sa ating bansa," pakiusap niya.

Sinabi rin ni Vergeire, nagpadala na ng mga test kit sa mga strategic sub-national laboratories sa bansa, kasama na ang Southern Philippines Medical Center, Vicente Sotto Memorial Medical Center, Baguio General Hospital, at ilang ospital sa Metro Manila.

"Ngayon po, sila po ay nag-uumpisa na mag test, at hopefully bibilis na po 'yung pag-test natin," sabi ng opisyal.--FRJ, GMA News