Umakyat na 40 ang mga positibong nahawahan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Quezon City. Ang kasama sa mga bagong kaso ang tatlong duktor.

Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing isa sa mga duktor ay mula sa Barangay Damayang Lagi, na nahawahan na rin ang kaniyang misis at anak.

"Health care workers ang karamihan and, yes of course, local transmission because nga siguro, doon na sila nahawa sa loob ng kanilang mga health care facilities," ayon kay Mayor Joy Belmonte.

Samantala, nadagdagan naman ng isa ang nasawing pasyente, para umakyat naman ang bilang ng mga nasawi sa dalawa.

Ang bagong nasawi ay isang lalaki na mula sa Barangay San jose del Monte na bumiyahe sa Singapore, habang ang unang pumanaw na pasyente ay isang shop owner sa Greenhills, San Juan, na residente naman sa Barangay Old Balara.

Ang Quezon City na pinakamalaking land area sa Metro Manila ang may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa rehiyon.

Sa buong bansa, 230 na positibong kaso ng COVID-19, at 18 ang nasawi.

Bilang bahagi ng pag-iingat sa Quezon City para mapigilan pa ang pagkalat ng virus, naglagay na ng barikada sa ilang barangay tulad sa East Avenue na kinaroroonan ng ilang ospital.

Nagsasagawa rin ng disinfection ang Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office sa mga kalye.

Naglagay din ng disinfection chamber sa City Hall, at plano rin maglagay nito sa mga ospital.

Inihahanda rin ang Baesa crematorium kung sakaling lumubha ang sitwasyon at magkaroon ng maraming masasawi sa naturang virus.--FRJ, GMA News