Sa halip na magdaos ng special session ang Kongreso, pupulungin muna ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacanang ang mga lider ng Kamara de Representantes at Senado, kasama ang mga miyembro ng Gabinete upang talakayin ang pondong ilalaan sa paglaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, gaganapin ang pagpupulong sa Sabado ng hapon.

"We will discuss tomorrow how to empower and give the government the flexibility to address the present crisis," anang senador.

Inaasahang dadalo rin sa pagpupulong sina Executive Secretary Salvador Medialdea, Finance Secretary Carlos Dominguez III, Budget Secretary Wendel Avisado at Speaker Alan Peter Cayetano. 

Ayon kay Sotto, hihilingin niya na dumalo rin sa naturang pulong si Sen. Pia Cayetano, ang pinuno ng Ways and Means Committee.

Sa Facebook post nitong Biyernes ng gabi, sinabi naman ni Cayetano nagkaroon sila ng pag-uusap nina Sotto, Medialdea, Sen. Bong Go, Budget Secretary Wendel Avisado, at Justice Secretary Menardo Guevarra, para unahin muna ang pulong sa Sabado bago ang special session.

"Magkakaroon muna kami ng meeting sa pagitan ng Executive at Legislative bukas (Sabado) upang mahanapan ng paraan kung papaano ma-e-empower ang ating gobyerno sa pamamagitan ng pagbigay ng sapat na resources at ang flexibility na kinakailangan nito upang harapin at lutasin ang pandemic na ito," ayon sa lider ng Kamara.

"Asahan po ninyo mga kababayan na ang inyong mga concerns, complaints, at suggestions  na ipinarating ninyo sa amin ay kabilang sa aming mga pag-uusapan. Mga problema ninyo ay hahanapan namin ng solusyon,"dagdag niya. --FRJ, GMA News