Nakapagtala ng panibagong 82 positibong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas ang Department of Health (DOH) nitong Lunes para pumalo na sa 462 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng nakahahawang virus.
Samantala, walo naman ang nadagdag sa listahan ng mga nasawi para kabuuang 33. Isa naman ang nadagdag sa listahan ng mga gumaling para sa kabuuang bilang na 18.
Ipinaliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, na ang biglang pagdami ng kaso ng COVID-19 sa bansa ay bunga ng pagtaas ng testing capacity ng mga laboratoryo.
Ngayon ay umaabot umano sa 950 hanggang 1,000 COVID-19 tests per day ang naisasagawa sa bansa.
Ang walong bagong nasawi ay pawang mga Pilipino na may pre-existing medical conditions o may mga dati nang sakit bago pa man mahawahan ng virus.
Tinukoy ang mga nasawi bilang sina Patients 281 (57-anyos, lalaki na mula sa Mandaluyong), Patient 266 (71-anyos na babae, mula sa Quezon City); Patient 279 (73-anyos na lalaki, mula sa San Juan); Patient 304 (89-anyos na lalaki na mula sa Bulacan); Patient 328 (74-anyos na lalaki mula sa Quezon City; Patient 333 (65-anyos na lalaki mula sa Quezon City); Patient 367 (78-anyos na lalaki mula sa Parañaque City); at si Patient 349 (56-anyos na lalaki na mula rin sa Parañaque City).
Samantala, ang pinakabagong nakaligtas sa COVID-19 ay si Patient 73, 54-anyos na lalaki na mula sa Maynila.-- FRJ, GMA News
