Hindi na kayang tumanggap ng pasyenteng may COVID-19 ang St. Luke’s Medical Center sa Quezon City at Global City sa Taguig dahil sa sobrang dami ng pasyente nila at naka-quarantine na rin ang marami nilang tauhan.

Sa inilabas na pahayag ng pamunuan ng pagamutan nitong Martes, sinabing mayroong 48 na COVID-19-positive patients sa dalawang ospital, at 139 patients under investigation.

Samantala, 592 frontline healthcare workers nila ang naka-quarantine matapos magkaroon ng close contact sa mga pasyente na kumpirmadong may virus.

“Admitting more COVID-19 patients will seriously impact our ability to deliver the critical level of care and attention patients need at this time,” saan nila sa pahayag. “While it is our desire to extend quality healthcare to every patient that needs our help, we can only do so much at this point.”

Gayunman, handa pa rin daw silang magsagawa ng outpatient COVID-19 testing na aangkop sa patakaran ng Department of Health.

Ipadadala umano ang makukuhang sample sa Research Institute for Tropical Medicine at ilalabas ang resulta sa St. Luke’s Medical Center.

Bukod sa St. Luke’s Medical Center, nagpahayag na rin ang The Medical City na hindi na nila kayang tumanggap ng COVID-19 patients. Samantalang 530 staff naman ng University of Santo Tomas Hospital ang naka-quarantine. --FRJ, GMA News