Nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang chairman ng makapangyarihang House committee on appropriation na si ACT-CIS party-list Representative Eric Go Yap. Bukod sa dumalo siya sa special session ng Karama de Representantes,  sumipot din siya sa isang pagtitipon sa Malacañang noong Marso 21.

"It is with a heavy heart that I share to all of you that I tested positive for coronavirus," saad ni Yap sa pahayag na ipinadala sa mga mamamahyag.

Ayon sa mambabatas, sumailalim siya sa COVID-19 test noong Marso 15, matapos na makalapit sa ibang tao na nagkaroon ng contact sa COVID-19 positive.

Ngayong Miyerkules lang umano niya nakuha ang resulta ng test sa Department of Health.

Noong Marso 21, dumalo sa pagpupulong si Yap sa Malacañang para talakayin ang panukalang batas na magbibigay ng dagdag na kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtugon sa COVID-19.

Kabilang sa mga opisyal na dumalo sa naturang pagpupulong sina Senate President Vicente Sotto III, Speaker Alan Peter Cayetano, Senator Bong Go, Senator Pia Cayetano, Executive Secretary Salvador Medialdea, Finance Secretary Carlos Dominguez III at Budget Secretary Wendel Avisado.

"Bago tayo magpunta doon, nagtanong ako kung may resulta na ang aking test, pero wala pa daw. I attended the meeting and was careful the whole time knowing na I could potentially be a carrier of the virus," sabi ni Yap.

Dumalo rin si Yap sa special session ng Kamara de Representantes nitong Lunes para talakayin ang naturang panukalang batas tungkol sa COVID-19.

"Earlier that day, bago magtungo ng Kongreso, nagtanong ako kung may resulta na ang aking test, pero wala pa rin daw. That was eight days after my test," paliwanag niya.

Humingi ng paumanhin at pang-unawa si Yap sa mga taong nakalapit sa kaniya.

Dahil sa anunsiyo ni Yap, sinabi ni Sen. Bong Go na magse-self-quarantine siya bilang bahagi ng pag-iingat.

“Wala naman po akong nararamdamang sintomas ng sakit. But since protocol requires that those who were directly exposed to persons positive for COVID-19 need to undergo self-quarantine, I am left with no choice but to comply,” ayon sa senador.

Ganito rin ang gagawin nina Budget Secretary Wendel Avisado at Social Welfare Secretary Rolando Bautista, batay sa inilabas nilang mga pahayag.

“Nakasama namin siya although wala naman kaming direct contact but just the same mag-another round na naman po ako ng self-quarantine po as a precautionary measure po," sabi ni Avisado.

Balak naman daw ni Bautista na pumasok sa trabaho sa Huwebes pero ipagpapaliban na lang niya bilang pag-iingat.

“I will go for self-quarantine ng ilang araw. Wala naman po ako nararamdaman and I feel very good. Gusto ko pumasok at magtrabaho bukas, however, avoiding the spread of COVID-19 is my primary goal,” ayon sa kalihim.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na dapat mag-self-quarantine ang mga nakalapit kay Yap.

"We urge those who were in physical contact with him during the last two weeks to undergo the 14 day self-quarantine protocol for their protection," ani Panelo.--FRJ, GMA News