Umangat sa 2,311 ang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa matapos na madagdagan ng 227 ang mga nagpositibo sa naturang virus, ayon sa Department of Health.

Sa impormasyong inilabas ng DOH nitong Miyerkules, sinabing 96 na ang nasawi matapos na madagdagan ng walo ang listahan; habang 50 naman ang gumaling, na nadagdagan ng isa.

Nauna nang ipinaliwanag ng DOH na ang pagdami ng COVID-19 cases ay bunga ng expansion ng testing capacity sa bansa.

Pawang mga Pilipino umano ang walong nasawi na sina Patients 692, 1,723, 1,039, 621, 1,811, 1,089, 1,299, at 415.

Ang mga nasawi ay pawang mga nakatatanda na nasa edad 65 hanggang 84.

Ang nag-iisang gumaling ngayon sa listahan ay si Patient 179, 59-anyos na Pilipino at mula sa Taguig City.

Nagsimula umanong nakaranas ng sintomas ng COVID-19 ang pasyente noong Marso 11 at nakalabas siya ng ospital noong Marso 29.--FRJ, GMA News