Matapos na manatili sa emergency room ng isang ospital ng ilang araw, inihayag ni Senador Sonny Angara na gumaling na siya sa COVID-19 at pinayagan nang makauwi.

"My doctors finally sent me home today-- negative for the virus and pneumonia free," saad ng senador sa kaniyang Facebook post nitong Lunes.

Marso 26 nang ipaalam ni Angara na nagpositibo siya sa COVID-19 at kinailangang manatili sa kaniyang bahay. Pero makalipas ng ilang araw, dinala siya sa hindi binanggit na ospital para mas lalong matutukan ang kaniyang kalagayan.

Nagpaabot ng pasasalamat si Angara sa mga duktor at nurse na nag-asikaso sa kaniya, at sa lahat ng mga nag-aalala at nanalangin.

Sinabi rin ng senador na nakita niya ang sakripisyo ng mga frontliner. May nakilala rin umano siyang mga duktor at nurse na ang ilan hindi na umano umuuwi para bantayan ang mga pasyente.

"I met nurses and doctors who don't go home anymore, some even doing double duty in other hospitals. They truly truly are REAL HEROES," ayon kay Angara, na matutuwang maipagdidiwang ang kaarawan ng kaniyang anak.

"I will be at home with my son when he celebrates his bday this weekend but many of our health workers will not make it home as a measure of protection for their families. Salamat po and godbless everyone. Hope everyone is safe at home," pahayag niya.

Sa ulat ng Department of Health nitong Linggo, sinabing 3,246 na ang kaso ng COVID-19 sa bansa, 153 ang naitalang nasawi at 64 ang gumaling.

Hindi pa malinaw kung kasama na si Angara sa listahan ng mga gumaling sa virus.

Bukod kay Angara, nagpositibo rin sa COVID-19 sina Sens. Juan Miguel Zubiri at Koko Pimentel.--FRJ, GMA News