Isa na namang health worker ang nasawi sa digmaan laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas.

Kinumpirma sa GMA News ng administrador ng Mandaluyong City Medical Center, na pumanaw nitong Miyerkules ng hapon ang kanilang chief nurse na si Manny Pacheco, 62-anyos.

Ayon kay Dr. Cesar Tutaan, mahigit 30 taong nagsilbi sa ospital si Pacheco, na naging chief nurse nila noong 2016.

Si Pacheco ay nadagdag sa listahan ng mga Filipino health worker na nasasawi sa pagtupad sa kanilang tungkulin sa pagharap sa COVID-19.

Nitong Miyerkules, inihayag ng Department of Health na tinatayang 252 medical workers na ang nahawahan ng virus.

Sa naturang bilang, 152 sa kanila ay mga duktor at 63 naman ang mga nurse. Hindi na binanggit kung sino-sino ang nalalabing iba pa.

Nitong Martes, sinabi ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAP) na 21 Filipino doctors na ang nasawi dahil sa COVID-19.

Kabilang sa mga nasawing duktor dahil sa pakikipaglaban sa COVID-19 si Dr. Neal Orteza, kapatid ng batikang actress-writer-director na si Bibeth Orteza-Siguion Reyna.--FRJ, GMA News