Mahigit 200 na nahuling lumabag sa ordinansa para sa enhanced community quarantine sa Caloocan City ang pinaglakad ng mahigit isang oras sa kalsada habang nakatali ang isang kamay sa mahabang lubid nitong Sabado.
Ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa 24 Oras News Alert ng GMA News nitong Linggo, dinampot ang mga violators ng mga tanod at pulis dahil nasa labas pa raw ng bahay kahit oras na ng curfew.
Ang iba ay nahuling umiinom ng alak at walang suot na face mask.
“Kasi ‘di po namin alam na ngayon po pala tinaga ni Duterte ‘yong curfew,” ani ng isang violator.
“‘Di naman kami nawalay ho sa harap ng bahay. Suma-shot lang kami ng kaunti para makatulog,” sabi naman ng isa pang violator.
Ang isang grupo ng violators ay sa EDSA pinalakad habang ang isang grupo ay naglakad ng mahigit isang oras hanggang sa Bagong Caloocan City Hall.
Dinala ang mga violators sa bakanteng lote, pinasulat ng kanilang mga pangalan at tsaka sinermonan ng hepe ng Caloocan Police.
“Hirap na hirap na ang mga frontliners. Nakikiusap sa inyo manatili kayo sa inyong mga tahanan," sabi ng hepe.
Dagdag pa ng hepe, pinaglakad daw nila ang mga violators dahil hindi mao-obserbahan ang social distancing kapag isinakay sila sa sasakyan.
Hindi muna pinagbayad ang mga violators pero hanggang P5,000 ang babayaran ng mga mahuhuling walang suot na face mask sa mga pampublikong lugar.
Ang mga lumabag sa curfew ay P3,000 ang babayaran sa first offense.
Kapag naman nahuling umiinom ng alak, P500 hanggang P1,500 ang multa.
Ang hindi pagsunod sa physical distancing ay haharap ng P5,000 multa o anim na buwang pagkakulong.
Sa ngayon, may ginagawa na ring pansamantalang kulungan ang Caloocan City government para sa mga violators na kailangang kasuhan sa korte tulad ng mga makukumpiskahan ng droga o baril at ang mga manlalaban sa mga pulis o tanod. —Ma. Angelica Garcia/KG, GMA News
