Humingi ng saklolo sa mga pulis ang isang lalaki matapos siyang atakihin ng sarili niyang aso sa loob ng kanilang apartment sa Baltimore, USA. Ang aso, nasawi matapos pagbabarilin ng pulis, habang sugatan ang lalaki na bukod sa mga kagat ng aso ay tinamaan pa ng bala.
Batay sa kuha ng Baltimore Police Department na iniulat sa GMA Integrated Newsfeed, mapanonood na mistulang natatawa pa noong una ang isang pulis, na tumugon sa tawag ni Kyle Sharp na humingi ng tulong matapos umano siyang atakihin ng sarili niyang aso sa loob ng apartment.
“Did the dog bite you?” tanong ng pulis na nasa labas pa noong kuwarto habang nasa loob naman si Sharp.
“He’s been trying to,” tugon ni Sharp.
Pinayuhan ng pulis si Sharp na ikulong muna sa banyo ang alaga nitong Pitbull Labrador mix na “Roscoe” ang pangalan.
Ngunit ayon kay Sharp, hindi na niya makontrol ang alaga na naging agresibo raw mula nang ipakapon niya.
“If you can’t put the dog in the bathroom, just leave the dog alone for now while he’s docile,” payo ng pulis.
“I can’t. I’m holding his harness. I can’t let go of him. If he tries to attack me, he won’t let go,” sabi ni Sharp.
Sa kabila nito, tinangka pa rin ni Sharp na sundin ang payo ng pulis.
Ngunit naalarma ang pulisya sa mga sumunod na pangyayari nang magsisigaw na si Sharp.
“Stop! Stop! Get off me! Ow! Ow! Stop!” sigaw ni Sharp.
“Kick him off, sir!,” sigaw ng isa sa mga pulis.
“He’s breaking my arm! I can’t!” pasigaw na tugon ng dog owner.
Kalaunan, nabuksan ni Sharp ang pinto, at lumabas habang kagat ni Roscoe ang kaniyang kamay.
Ilang saglit lang, nakarinig na ng sunod-sunod na putok ng baril.
“The dog is shot and then runs toward Sergeant Johnson. The dog is again shot and ceases the attack,” ayon sa Baltimore Police Department.
Hindi nakaligtas sa insidente si Roscoe.
Nagtamo naman ng tama ng bala sa kaniyang binti si Sharp, bukod pa sa mga kagat na nakuha niya mula sa kaniyang aso.
Stable na ang kondisyon ni Sharp, na sinabing naging agresibo si Roscoe matapos niya itong ipakapon.
Posible umanong reaksyon ito ng aso sa anti-anxiety medication na ibinigay sa alaga niya matapos ang surgery.
“His pupils got very big, and it wasn’t him. I don’t fault him for the way he acted because it was instinctual to protect himself when he felt endangered or confused,” sabi ni Sharp.
Naunawaan naman niya ang ginawa ng pulisya.
Ngunit ang ilang nakapanood, umalma sa ginawang pagbaril ng pulis sa aso.
Iniimbestigahan naman ng mga kinauukulang ahensiya ang insidente.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
