Nakaplano na sanang umuwi at sorpresahin ng isang inang overseas Filipino worker ang kaniyang 11-taong-gulang na anak sa kaarawan nito o graduation ngayong taon. Pero napaaga ang kaniyang uwi dahil sa trahediya matapos masawi ang bata nang salpukin ng isang pickup truck habang tumatawid sa pedestrian lane sa Oriental Mindoro.

“’Yung anak ko nasa kabaong na. ‘Yung pangarap kong uuwi ako sana sa graduation niya o sa birthday niya. Hindi. Uuwi ako dahil patay siya,” saad ni Monica Linga, ina ng nasawing si Dawn Rafaele Linga o “Rafraf,” sa ulat ni JP Soriano sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang bata sa pedestrian lane sa South Road National Highway sa Barangay Nabuslot sa Pinamalayan, Oriental Mindoro noong Linggo, habang naghihintay na tumigil ang mga sasakyan upang makatawid.

Nang tumigil ang isang truck, patakbong tumawid ang bata pero biglang sumulpok ang isa pang sasakyan na mabilis ang takbo at nabangga ang biktima.

Nadala pa sa ospital si Rafraf pero binawian din ng buhay dahil sa tindi ng pinsalang tinamo sa katawan.

Kaagad namang umuwi si Monica mula sa Dubai upang makapiling ang anak sa huling pagkakataon. Nangibang bansa siya para sana mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang anak.

Habang nagtatrabaho sa Dubai, ang in ani Monica ang nag-aalaga kay Rafraf.

“’Yung sagot lang, kung ano yung nangyari. ‘Yun lang ang gusto kong malaman. Pero alam ko na, wala na ‘yung anak ko…. Pero gusto kong malaman anong nangyari. Nasaan siya nun?,” saad ni Monica, na naubos na umano ang luha sa sobrang kalungkutan.

“May tumigil na truck, bakit hindi man lang niya naisip na mag-slow down? Nag-overtake po siya. Ang lakas ng bungo niya sa anak ko, tumilapon ‘yung anak ko. Ang layo ng pinagtapunan ng anak ko. Ni wala ng halos dugong lumabas kasi internal lahat ang injury ng anak ko,” sabi ni Monica.

Plano sana ni Monica na umuwi ngayong taon at sorpresahin ang anak sa graduation nito sa elementarya.

“’Yung anak ko nasa kabaong na. ‘Yung pangarap kong uuwi ako sana sa graduation niya o sa birthday niya. Hindi. Uuwi ako dahil patay siya. Hindi sa graduation niya, hindi sa birthday niya. Dahil patay siya,” hinanakit ng ginang.

Inatasan ng lokal na pamahalaan ng Pinamalayan ang pulisya na kaagad resolbahin ang naturang nangyari sa bata.

Ipinatatawag naman ng Land Transportation Office (LTO) ang driver at may-ari ng nakabanggang sasakyan na humarap sa pagdinig ng ahensiya sa January 16 para magpaliwanag sa nangyari.

Sinuspinde na rin ng LTO ang lisensiya sa pagmamaneho ng nakadisgrasyang driver ng 90 araw.

Tiniyak din ng LTO na sasailalim sa tamang training ang mga motorista upang matiyak na batid ng mga driver ang road safety at traffic rules upang hindi na maulit ang katulad na insidente.

“Ang pagkawala ng buhay ng isang bata dahil sa kapabayaan o kawalan ng disiplina sa kalsada ay hindi maaaring balewalain. Ang LTO ay determinadong tiyakin na ang bawat driver na nasa kalsada ay may sapat na pagsasanay, alam ang mga batas trapiko, at may respeto sa karapatan at kaligtasan ng lahat,” saad sa pahayag ni LTO chief, Assistant Secretary Markus Lacanilao.

“Hindi tayo titigil sa pagpapatupad ng mga batas upang pigilan ang mga ganitong trahedya. Ang bawat buhay ay mahalaga, at ang responsibilidad ng pagmamaneho ay hindi dapat tratuhin bilang biro,” dagdag niya. -- FRJ GMA Integrated News