Ipinagmamalaki ng mga taga-Bantayan Island, Cebu ang kanilang kababayan na mula sa pamilya ng mga mangingisda. Bukod sa pagiging isang Certified Public Accountant (CPA), ngayon naman ay magiging abogado na siya matapos mag-Top 6 sa 2025 Bar Exams. Alamin ang kuwento ng kaniyang pagsusumikap at pagharap sa mga hamon ng buhay para maabot ang kaniyang pangarap at makaahon sa hirap.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala si Jeowy Loyloy Ompad na nag-aral sa University of San Jose-Recoletos, at naging isa ring mangingisda gaya ng kaniyang ama noong kabataan niya.
“I really did not expect na talaga na to be in the top 20 kasi medyo nahirapan ako. Nag-iyakan kami ng misis ko. God has answered my prayer,” sabi ni Jeowy.
Mangingisda ang ama ni Jeowy na si Jose, habang nagdadaing naman ang kaniyang ina na si Breza.
“'Yung buhay po namin, 'yung makakain lang ako ‘pag makalaot, 'yung kita parang isang araw lang, enough lang para makabili ng bigas,” balik-tanaw ni Jeowy sa buhay niya noon.
Kaya sa murang edad, tinulungan ni Jeowy ang kaniyang Tatay Jose sa paghahanap-buhay sa dagat. Sa kabila nito, hindi tumigil si Jeowy sa pag-aaral, at sinuportahan siya ng kaniyang mga magulang.
“Some of my classmates are well-off. Minsan naiingit ako, they have enough time to play. Ordinary day ko na walang baon. Suwerte na lang po na may extra, makabaon. Since bata pa lang po, inintindi ko na po ang sitwasyon ng family ko,” ani Jeowy.
Kapos man sa buhay, busog naman sa pangaral si Jeowy mula sa kaniyang ama na maging responsable siya sa buhay.
“Even if na tinutulungan ko siya sa pangingisda, he insisted na still to go to school. My mother taught me to be kind that despite that we have less. 'Yung mga neighbors namin na walang kuha [huli], na-share namin 'yung catch to them para at least they have food,” kuwento ni Jeowy.
Nang makapagtapos na ng high school, nakipagsapalaran si Jeowy sa Cebu City at pumasok bilang “bagger” sa isang department store habang naghahanap ng scholarship.
“Ang allowance niya P500 kada isang linggo. Nag-iipon talaga ako niyan para pang isang linggo niya. Kung exam week na rin at ang panahon ay mahangin, wala kaming pambayad. Ang ginagawa namin, kumukuha kami ng manok na tandang para ibenta para makabayad ng tuition niya roon sa Cebu,” sabi ni Nanay Breza.
Nang makapagtapos ng high school, nagkolehiyo si Jeowy at nagbunga ang mga paghihirap niya nang makapagtapos siya sa kursong accountancy noong 2008. Kalaunan, isa sa mga kompanyang kaniyang pinagtatrabahuhan ang ipinadadala siya sa Malaysia para sa immersion.
At kahit may maayos nang trabaho, nais ni Jeowy na maging abogado para matulungan ang kaniyang pamilya at kominidad sa mga legal na usapin.
“Unang naisip ko, 'yung tatay ko, tulungan ko siya for whatever legal issues na kailangan ko. At saka 'yung mga kapitbahay namin, 'yung mga people in the community in Bantayan Island, matulungan ko sila for whatever legal challenges they have,” ani Jeowy.
Ngunit naunsiyami ang balak niyang pag-aaral ng abogasya nang magkaroon si Jeowy ng sarili niyang pamilya. Nakilala niya ang kaniyang misis sa isang BPO company noong 2009, at ikinasal noong 2013. Ngayon ay tatlo na ang kanilang anak.
Nagpatayo na sila ng kanilang bahay, bumili ng sasakyan, ng farm lot. Sa kasamaang palad, humagupit ang Yolanda noong 2013 at tinangay ng alon ang kanilang bahay sa isla.
“Nakaipon ako, inahon ko 'yung parents ko from the island. Binilhan ko sila ng lupa roon sa mainland ng Bantayan at pinatayuan ko sila ng bahay. The houses we have there is where they are staying now. Dinala ko po 'yung lahat ng family ko. Even some of my neighbors, relatives ko na kapatid ng parents ko. Parang extended 'yung bahay namin doon. Open sila sa mga mangingisda doon,” sabi niya.
Ang mga nakamit niyang biyaya, ipinagpapasalamat niya sa Diyos.
“It's a humbling experience na despite where I came from, God provided me this. I really thank God for all this. Actually, sobra-sobra pa 'yung binigay ni God. I know God listens, God hears, God knows what you want. God provides,” sabi niya.
Pagsapit ng 2020, balikan ni Jeowy ang isinantabi niyang pangarap na maging abogado. Noong nagsisimula sa law school, bumalik siya sa Cebu at doon nagtrabaho. Gigising siya ng 6 a.m. para sa dalawang oras na biyahe papunta sa Lapu-Lapu City.
Nang magtatapos na, nawalan naman siya ng trabaho kaya napaisip siya kung itutuloy pa ba niya ang abogasya.
“Naisip ko, hindi na lang siguro mag-proceed sa law. I talked to my wife, ilang months na lang, 12 months for the bar exam. Kung puwede bang ikaw lang muna 'yung magtustos sa bills sa bahay para at least matapos ko 'yung ilang months. Sabi niya, ‘Okay, I will support you, whatever plans you have because I know God will provide,’” kuwento ni Jeowy.
“One year lang naman, sabi ko, it's okay because I know that what he's doing is for the family. I'm all out,” sabi ni Jennifer, asawa ni Jeowy.
Ayon kay Jeowy, dinala niya sa kaniyang pag-aaral ng abogasya ang disiplinang natutunan sa pangingisda.
“Fishermen do not just sleep. Ang ginagawa ng fishermen, inaayos 'yung mga lambat, inaayos 'yung mga bangka to prepare when the storm is out para ‘pag okay na 'yung alon, lalaot. ‘Yun ang discipline na dinala ko sa law school. By the time bar examination days will come, prepared na ako,” paliwanag niya.
Noong nakaraang Setyembre, kumuha siya ng bar exam. At nitong nakaraang linggo naman nang lumabas ang listahan ng mga pumasa at nakasama si Jeowy sa Top 10, bilang pang-anim sa mga nag-exam na may pinakamataas na puntos na 91.25.
“Sobra-sobra 'yung binigay ni Lord sa akin bilang one of the passer, but also one of the topnotcher,” sabi ng ganap nang abogado na si Jeowy.
Tunghayan ang pagluwas ng mga magulang ni Jeowy mula sa Bantayan Island upang personal na batiin ang kanilang anak na magiging bagong abogado sa sandaling makapanumpa na sila sa Pebrero. Panoorin ang video.—FRJ GMA Integrated News
