Sugatan ang isang babaeng hukom matapos siyang barilin ng kaniyang dating mister na piskal habang nasa korte sa Istanbul, Turkey. Babarilin pa sana ng suspek ang biktima pero napigilan siya ng isang bilanggo na pansamantalang pinalaya at nagsisilbi noon ng tsaa sa korte, ayon sa ulat ng Turkish media.
Iniulat ng news agency na DHA na nangyari ang krimen dakong 1:00 ng hapon (1000 GMT) sa loob ng isang korte sa Asian side ng Istanbul.
Iniulat naman ng pahayagang Sozcu, na tinamaan ng bala sa singit at malubhang nasugatan si Judge Asli Kahraman dahil sa ginawang pagbaril ng dati niyang asawa na si Muhammet Cagatay Kilicaslan.
Babarilin pa sana ng suspek ang dati niyang asawa ngunit napigilan ito ng isang lalaking nagsisilbi ng tsaa, na isang bilanggo na nasa day release at nagtatrabaho sa korte.
Matapos bigyan ng paunang lunas, dinala ang hukom sa ospital, at stable na umano ang kalagayan nito.
Inaresto naman si Kilicaslan at nakatakdang iharap sa korte kaugnay ng kasong ginawa niya sa dating asawa.
Mariing kinondena ng grupong We Will Stop Femicides ang insidente.
"A female judge was shot with a firearm by her former husband, a prosecutor, in full view of everyone at the Istanbul Kartal Anatolian Courthouse, the very place where perpetrators should be punished," saad ng grupo sa pahayag nito sa X.
"Women can be shot with firearms even inside courthouses," dagdag nito.
Walang opisyal na datos ang Turkey ukol sa mga kaso ng femicide kaya ang mga organisasyon ng kababaihan ang nangangalap ng impormasyon mula sa mga ulat ng media tungkol sa mga pagpatay at iba pang kahina-hinalang pagkamatay ng kababaihan.
Batay sa datos ng We Will Stop Femicides, noong 2025 ay mayroong 294 na kababaihan ang pinatay ng mga lalaki, habang 297 naman ang natagpuang patay sa mga kahina-hinalang sitwasyon.
Sa naturang bilang, mahigit isa sa tatlo—o 35 porsiyento—ang napatay ng kanilang mga asawa, habang 57 porsiyento ang pinaslang gamit ang baril.
Ayon sa mga grupong tagapagtanggol ng karapatan, tumaas ang mga kasong ikinokonsiderang kahina-hinala ang pagkamatay o pagpapakamatay sa Turkey mula nang umatras ang Ankara sa international convention laban sa karahasan sa kababaihan noong 2021.
Sa naturang kasunduan na tinaguriang Istanbul Convention, inaatasan ang mga bansa na magpatupad ng mga batas na naglalayong pigilan at usigin ang karahasan laban sa kababaihan. — mula sa ulat ng Agence France-Presse/FRJ GMA Integrated News

