Nasawi ang isang 54-anyos na ginang at 34-anyos niyang anak na lalaki matapos silang saksakin ng kanilang 65-anyos na padre de pamilya sa Damulog, Bukidnon. Ang ugat ng krimen, ang pagtatalo umano ng mag-ama dahil sa panabong na manok na inilaban ng suspek.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang krimen noong Lunes ng gabi sa bahay ng mag-anak sa Barangay Kiraon.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nakikipag-inuman ang suspek nang komprontahin siya ng kaniyang anak na biktima dahil sa manok na inilaban nito sa sabong.

Ikinagalit umano ng anak na inilaban ng suspek ang kanilang manok na bata pa sa mas malaking manok. Nauwi na sa pisikalan ang komprontasyon ng mag-ama nang makauwi sila sa bahay.

Ayon kay Police Regional Office–Northern Mindanao (PRO-10) spokesperson Police Major Joann Navarro, kinuha ng suspek ang isang hunting knife sa bahay at sinaksak nito sa tiyan ang kaniyang anak.

Nang tangkain naman ng ginang na mamagitan, sinaksak din siya ng suspek sa dibdib.

Isinugod sa ospital ang mag-ina pero hindi na umabot nang buhay ang ginang. Pumanaw naman ang anak pagkaraan ng ilang oras.

Sumuko naman ang suspek sa barangay at inamin ang nagawang krimen.

Mahaharap ang ama sa kasong parricide, na sinisikap pang makuhanan ng pahayag, ayon sa ulat.—FRJ GMA Integrated News