Naglabas na ng warrant of arrest laban kina Atong Ang at 17 iba pang indibiduwal ang isang korte sa Sta. Cruz, Laguna sa kasong kidnapping with homicide kaugnay sa mga nawawalang sabungero.
Batay sa dokumento na may petsang Enero 13, 2026, nakakita ng probable cause ang Regional Trial Court Branch 26 upang ipag-utos ang pag-aresto sa mga akusado.
Nakasaad sa warrant na ang mga akusado ay kinasuhan ng kidnapping with homicide, isang krimen na hindi pinahihintulutan ang pagpiyansa dahil sa bigat ng pagkakasala.
“The bail for the release of the accused in this case is fixed at NOT BAILABLE for kidnapping with homicide,” ayon sa utos.
Ang iba pang mga indibiduwal na pinangalanan sa warrant ay sina:
- Rogelio Teodoso Borican Jr.
- Jezrel Lazarte Mahilum
- Mark Carlo Evangelista Zabala
- Rodelo Antipuesto Anging
- Emman Cayunda Falle
- Julios Tagalog Gumolon
- Ronquillo Pacot Anding
- Ryan Jay Eliab Orapa
- Aaron Ezrah Lagahit Cabillan
- Mark Anthony Aguilo Manrique
- Anderson Orozco Abary
- Michael Jactin Claveria
- Edmon Hernandez Munoz
- Farvy Opalla Dela Cruz
- Renan Lagrosa Fulgencio
- Alfredo Uy Andes
- Joey Natanaun Encarnacion
Ipinag-utos din ng korte sa mga nagpapatupad ng batas na mahigpit na sundin ang Rules on the Use of Body-Worn Cameras habang isinisilbi ang warrant. Kailangang may suot sila ng kahit isang body camera at isang alternatibong recording device para idokumento ang proseso ng pagdakip.
Ang warrant of arrest ay nilagdaan ni Presiding Judge Mary Jean T. Cajandab-Ong at ibinigay sa DIDM ng PNP at sa kinauukulang kumander ng istasyon ng pulisya para sa agarang pagpapatupad.
BREAKING NEWS: Warrant of arrest for Businessman Charlie "Atong Ang" and 17 others, released by Laguna RTC Branch 26 for kidnapping and homicide, with no bail. pic.twitter.com/4cbdAjo4pU
— GMA Integrated News (@gmanews) January 14, 2026
Samantala, ayon sa ulat ng Balitanghali, hiniling ng abogado ni Ang na si Gabriel Villareal na bigyan ang kanilang kampo ng kaukulang oras para suriin ang mga akusasyon laban sa kaniyang kliyente.
Sinusubukan pa rin ng GMA Integrated News na makuha ang mga komento ng 17 iba pang akusado.
Disyembre 2025 nang magsampa ang Department of Justice ng pormal na mga kaso sa ilang regional trial court (RTC) laban sa negosyanteng si Charlie "Atong" Ang dahil sa pagkawala ng mga sabungero. —Jamil Santos/AOL GMA Integrated News

