Dumami na ang puwersa ng mga awtoridad na nagbabantay sa Trabajo Market nitong Lunes matapos kumpirmahin na may napipintong total lockdown sa Sampaloc, Manila.

Ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Hirit ng GMA News, nilinaw ni Sampaloc Police Station commander Police Lieutenant Colonel John Guiagui na hindi pa ipapatupad ang total lockdown ngayong Lunes.

May kumalat na maling impormasyon sa lugar na magsisimula na raw ang total lockdown ngayong Lunes ng gabi.

Mas maluwag na ang pamilihan kumpara noong Linggo na dagsa ang mga residente dahil sa paghahanda sa umano’y agarang pagpapatupad ng total lockdown.

Nitong Linggo, sinabi ng Manila Public Information Office na magkakaroon nga ng lockdown sa Sampaloc, kung saan may pinakamaraming kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Manila.

 

"Ang lockdown is basically nasa loob lang sila ng bahay. All those that are needed will be provided by the government. There will be an ample time for the residents to be ready,” sabi ni Guiagui.

Sa total lockdown, papayagan lumabas ang mga medical personnel, emergency responders, security services personnel, empleyado ng mga botika, drug store, at punerarya. — Joviland Rita/RSJ, GMA News