Mayroon na umanong 233 bilanggo at jail personnel sa tatlong city jails sa bansa ang nahawahan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), ayon sa pinuno ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Sa virtual meeting sa House Defeat COVID-19 committee, sinabi ni BJMP chief Director Allan Iral, na 195 sa 373 persons deprived of liberty (PDLs) na kanilang isinailalim sa COVID-19 test ang nagpositibo sa virus.
Sa bilang ng mga nagpositibo, 185 ang nakadetine sa Cebu City Jail, isa sa Mandaue City Jail, at siyam sa Quezon City Jail.
Patuloy umanong nagpapagaling ang mga infected PDL.
Samantala, sinabi ni Iral na 38 tauhan naman ng BJMP ang nagpositibo rin sa virus at lima ang gumaling na.
Para hindi na kumalat ang virus sa kulungan, sinabi ni Iral na inihiwalay na ang mga bilanggo at mga tauhan na nagpositibo sa COVID-19.
Plano rin umano ng BJMP na magsagawa ng mass testing sa male dormitory sa Quezon City Jail at Cebu City Jail.
Katuwang ang International Committee of the Red Cross, magtatayo rin umano ng 150-bed COVID-19 isolation center sa BJMP National Capital Region at katulad na isolation facilities sa Pampanga at Quezon provinces.
Bukod sa pagkakaloob ng face masks at vitamins sa PDLs at BJMP personnel, sinabi ni Iral na palalawagin din nila ang electronic "dalaw" system para patuloy na makaugnayan ng mga nadetine ang kanilang mga mahal sa buhay.--FRJ, GMA News
