Iniimbestigahan na umano ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang nasa 183 na opisyal ng mga barangay dahil sa alegasyon ng mga katiwalian sa pamamahagi ng ayudang pinansiyal sa ilalim ng Social Amelioration Program.

“Sa dami ng ating reklamong natanggap, 183 na ang iniimbestigahan ng ating kapulisan dahil may posibleng probable cause dito. Hindi titigil ang ating kapulisan sa pagdakip sa mga mandarambong na mga barangay official na siyang talagang virus ng lipunan," ayon kay Deprtment of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa isang pahayag nitong Lunes.

“These are the kinds of arrests na kating-kati gawin ng ating PNP dahil talagang gigil din sila sa mga corrupt local official,” dagdag ng kalihim.

Hindi tinukoy ni Año ang mga nasabing opisyal ng barangay dahil patuloy pa umano ang imbestigasyon.

Pero binanggit niya na may ilan nang inaresto nitong unang linggo ng Mayo.

Kabilang umano dito si Danilo Flores, isang barangay kagawad sa Hagonoy, Bulacan na umano'y kinaltasan ng P3,ang P6,500 cash aid na ibinigay sa mga benepisaryo ng ayuda.

Una rito, nag-alok ng P30,000 na pabuya si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga magbibigay ng impormasyon tungkol sa mga tiwaling opisyal.

Sinabi naman ng kapulisan na patuloy ang pagsusuri nila sa mga natatanggap na mga reklamo laban sa mahigit na 100 barangay officials upang matiyak na may basehan ang kasong isasampa sa mga ito.

“Patuloy ang ating ginagawang validation dahil ayaw din naman natin mangyari na ang mga sumbong ay baka naman sanhi lamang ng kanilang hindi pagkakaunawaan, may galit lamang kay kapitan o kaya naman ay gawa lamang ng pulitika. So ayaw naman natinna madamay pa tayo diyan,” paliwanag ni PNP spokesman Brigadier General Bernard Banac sa panayam ng Super Radyo dzBB.

Sa sandaling may  makitang basehan ang reklamo, kaagad umano nilang isasampa ang kaso laban sa opisyal ng barangay.

Bukod sa PNP-CIDG, hiniling din ng DILG na sa National Bureau of Investigation na magsagawa ng imbestigasyon laban sa mga tiwaling barangay officials.

Patuloy namang hinihikayat ni DILG spokesman Undersecretary Jonathan Malaya ang publiko na isumbong ang mga katiwaliang ginagawa ng kanilang mga lider sa barangay.

“Magandang simula na may 183 barangay officials na ang iniimbestigahan ng ating kapulisan. This only means that the people are participating and are aware of their responsibility in protecting their rights,” anang opisyal.

“Huwag kayong matakot. Tulungan ninyo kami na usigin ang mga tiwaling lider ng mga barangay na ito. Kakampi ninyo ang Pangulong Duterte, ang DILG, at ang kapulisan dito,” dagdag niya—FRJ, GMA News