Makatatanggap ng P5,000 cash assistance ang mga residente ng Makati City, ayon sa kanilang alkalde na si Abby Binay bilang bahagi ng economic relief program ng lungsod.
"Mahirap man o mayaman, nakatanggap man ng SAP o hindi, kahit saang sector man...mabibigyan po kayo ng ayuda. Ito po ang sinasabi natin, ang MAKA-Tulong P5,000 for 500,000," saad ni Binay sa Facebook Live.
"Ito po ay ating nilagdaan noong April 21 kung saan ay magbibigay po tayo ng P5,000 sa bawat Makatizen. Hindi po bawat tahanan, bawat tao po ito," dagdag niya.
Sa ilalim ng Makatizen Economic Relief Program, naglaan umano ng lungsod ng P2.7 bilyon na cash assistance sa mga residente ngayon may krisis bunga ng COVID-19.
"Lahat po ng Makatizens, 18-year-old pataas, ay makakatanggap ng ating P5,000 at kailangan mamili po kayo kung alin dito sa tatlo ang mayroon kayo, kayo po ay may Makatizen card, kayo po ay may yellow card o kayo po ay botante ng Makati," sabi ni Binay.
Paliwanag ni Binay, ang isang mag-asawa ay makatatanggap ng P10,000 sa ilalim ng programa. Kung may anak sila na edad 18 pataas, at may kasama pang nakatatanggap, aabot sa kabuuang P20,000 ang kanilang matatanggap.
Ang mga walang Makatizen card, sinabi ni Binay na maaaring mag-apply online o magsumite ng kanilang application form sa barangay na ipamamahagi sa mga bahay.
Maaari umanong makuha ang pinansiyal na tulong sa pamamagitan ng GCash, simula sa Mayo 15. — FRJ, GMA News
