Patay ang isang dating barangay tanod sa Barangay Holy Spirit, Quezon City matapos siyang pagbabarilin sa loob mismo ng kanilang bahay, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes.

Hindi pa alam ng otoridad ang motibo sa pagpaslang ngunit napag-alaman na inireklamo ng pagnanakaw ng gatas ang biktima nitong nakaraang buwan matapos mawalan siya ng trabaho dahil sa enhanced community quarantine.

Kinilala ang biktima na si Arsenio Guzman Jr., na pinagbabaril sa ikalawang palapag ng kanilang bahay ng hindi bababa sa apat na lalaki.

Kuwento ng kinakasama ng biktima na si Mariel Hazel Soria, patulog na sila nang mangyari ang krimen.

Hindi nasaktan si Soria at ang kanyang 6-anyos.

Apat na basyo ng bala ang nakita sa pinangyarihan ng krimen. –KBK, GMA News