Isang matandang lalaki ang hinimatay sa Commonwealth Avenue, Litex Road sa Quezon City matapos ang matagal na paghihintay ng masasakyan nitong Lunes.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA news“24 Oras,” makikita si Lolo Ernesto Cuña habang nakaupo sa bangketa at inaalalayan ng mga tauhan ng barangay at pulis.

Kabilang si Cuña sa napakaraming tao na matiyagang naghintay ng masasakyan sa ilalim ng mainit na panahon sa unang araw ng general community quarantine sa Metro Manila.

“Wala kasing masakyan eh. (Papunta sa) Central Bank papapalit sana ako ng pera,” ayon kay Cuña.

ADVERTISEMENT

Sa dami ng pasahero, halos masakop na nila ang dalawang linya ng Commonwealth sa nabanggit na lugar habang naghihintay ng masasakyan.

Kahit mas marami na ang mga pinayagang bumalik sa trabaho, kakaunti naman ang mga pampublikong transportasyon na pinayagang bumiyahe.

Ang pasaherong si Dennis Bonon, halos mahigit isang oras na raw naglalakad mula sa Bulacan patungo sa kapatid niya sa Tandang Sora.

“Pupunta lang ako sa kuya ko dito sa may Matandang Balara galing pa akong Bulacan lakad lang, mahigit isang oras talagang napakahirap sobra,” pahayag niya.

Dahil sa naranasan, umaapela sa pamahalaan ang ilang naghihintay na pasahero na tugunan sana ang problema.

“Anuhin ng gobyerno natin na bago magpatupad ng open sa mga trabaho, may sasakyan din sana. Buti sana kung malalakad [malapit], eh hindi eh,” ayon kay Alex Calatero.

“Okay na po sana GCQ na tayo, papasok na kami para makatulong naman na po ulit sa pamilya. GCQ nga, pero masasakyan wala naman po,” sabi naman ni Luisita Alvarado.

Dahil sa hirap na makasakay, may ilan naman na napilitan na lang na hindi na pumasok sa trabaho.--FRJ, GMA News