Hulicam ang pagdukot sa isang tricycle driver sa Tondo, Maynila, ayon sa ulat ni Corinne Catibayan sa Unang Balita nitong Biyernes.

Sa kuha ng CCTV, kita ang tatlong lalaki na naglalakad kung saan kinilala ang nasa gitna na si Matthew  Sagario, 21.

ADVERTISEMENT

Bukod sa tatlo, may dalawa pang lalaking nakasunod sa kanila. Isa sa kanila, may baril.

Sa isa pang kuha ng CCTV, kita na isinakay si Matthew sa isang kotse.

Ayon kay Jen Sagario na kapatid ng biktima, lumabas lang ang kapatid niya ng bahay matapos kumain. Matapos daw ang 10 minuto ay narinig na lang daw nila na nagsisisigaw si Matthew at nanghihingi ng tulong.

Tinangka raw nilang tulungan si Matthew pero tinutukan sila ng baril ng mga suspek.
Kahit daw ang mga tao sa paligid ay walang nagawa.

Wala raw silang alam na kaaway ni Matthew o dahilan para siya ay dukutin.

Napag-alaman naman na bago si Matthew ay may isa pang lalaki na isinakay din sa kotse.

Naipa-blotter na ang pagdukot sa pulisya. —KBK, GMA News