Umakyat na mahigit 180 ang kawani ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT3) ang tinamaan ng COVID-19. Kabilang sa mga dinapuan ng virus ay 11 na nagbebenta ng tiket sa ilang station.

Ayon kay Undersecretary Timothy John Batan,  tigil-operasyon muna ang MRT3 simula sa Martes, July 7,  hanggang sa July 11 para maisailalim sa COVID-19 test ang iba pa nilang mga kawani.

"Gagawin po natin 'yan dahil sa gusto po natin matapos 'yung tinatawag natin na swab testing o RT-PCR testing ng lahat ng ating tauhan, lahat ng ating MRT3 personnel," anang opisyal.

Nilinaw naman ni Batan na maaaring mapaigsi ang suspensiyon ng operasyon depende sa bilis ng isasagawang swab test sa mga empleyado.

Una rito, sinabi ng DOTr na 186 kawani ng MRT3 ang nagpositibo sa COVID-19, at 1,507 na kawani pa ang kailangang isailalim sa pagsusuri.

Ayon kay Batan, mayroong kabuuang 3,200 na kawani ang MRT3, at kailangan ang 1,300 na tauhan para maipagpatuloy ang operasyon ng naturang mass transport system.

"Ngayon kailangan pa natin ng 964 na confirmed na negative bago tayo makapag-resume. So 'pag naabot natin 'yang 960 na additional na confirmed negative, puwede tayong magresume ng operations," paliwanag ng opisyal.

Bagaman noon pa man ay may tauhan ng MRT3 ang nagpositibo sa virus, nagpatuloy pa rin ang kanilang operasyon dahil sa depot umano nakatalaga ang mga ito na hindi nakakasalamuha ng mga tao.

Pero kamakailan lang, sinabi ni Batan, na may mga tauhan na ng MRT na nakatalaga sa ilang station ang nahawahan din ng virus.

"'Yung trigger talaga natin is 'yung kung maalala niyo 'yung earlier natin na mga COVID-19 cases ay naka-confine lang sa depot so 'yang depot natin ay wala 'yang interaction or wala 'yang interface with our passengers," sabi ni Batan.

"However, itong late last week, nag-umpisa nitong Friday and Saturday ay nakapagtala tayo ng positive cases sa ilan nating mga stations," patuloy niya.

Ilalabas naman daw ng DOTr ang mga impormasyon tungkol sa mga tauhan sa mga ng MRT3 station na nagpositibo sa virus.

"We will be releasing 'yung location as well as 'yung timeframe, time period na andun 'yung ating concerned na mga personnel," pagtiyak niya.

Idinagdag naman ni MRT3 Director for Operations Michael Capati na pag-aaralan din nila ang contact tracing measures habang suspindido ang operasyon ng MRT3.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing kabilang sa mga bagong nagpositibo sa COVID-19 ay 19 na kawani sa MRT stations, na kinabibilangan ng 11 ticket seller, tatlong train driver, at dalawang control center personne.

Ang mga ticket seller ay nakatalaga raw sa North Avenue Station(apat); Cubao Station (lima); Kamuning Station (isa), isang reserved at isang nurse mula sa Taft. --FRJ, GMA News