Ilang minutong natigil ang operasyon ng LRT1 dahil sa nabuhol na saranggola nitong Martes.

Sa tweet ng pamunuan ng LRT1 na Light Rail Manila Corporation, iniulat nito na nagkaroon ng "stop for safety" mula Balintawak hanggang Roosevelt.

ADVERTISEMENT

Bandang 12:20 p.m. nang limitahan muna ang operasyon ng LRT-1 mula Baclaran hanggang Monumento station at vice versa.

Ayon sa LRMC, nagkaroon ng "catenary issues" sa northbound ng Balintawak Station dahil sa bumuhol na saranggola.

Naayos naman ang problema at naging "Green and Go" na ang 20 istasyon ng LRT1 bandang 12:53 p.m.

Nauna nang nakiusap ang Meralco sa publiko na iwasan ang magpalipad ng saranggola dahil maaari itong magdulot ng power outages, pagkakuryente at iba pang peligro. —Jamil Santos/KBK, GMA News