Arestado ang isang Nigerian matapos na magreklamo ang isang babae na kaniyang pinaibig at hiningan ng malaking halaga ng pera para mailabas umano ang ipinadala nitong bagahe na kunwaring may kasamang $30,000.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes,  kinilala ang suspek na si Kelechik Opabi, na inaresto sa entrapment operation na inilatag ng mga operatiba ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (ACG) 4-A.

Ayon sa biktima, nakilala niya ang suspek sa online at nahulog ang loob niya sa dayuhan na gumagamit ng pekeng Instagram account at larawan ng ibang tao.

"May care po 'yung mga chat niya sa akin. Kinuha po niya 'yung loob ko, kinaibigan. Then, nagpakilala din po siya sa akin as civil engineer," kuwento ng biktima.

ADVERTISEMENT

Kinalaunan, sinabi umano ng suspek sa biktima na may ipadadala siyang bagahe na naglalaman ng mga mamahaling alahas pero kailangan nitong maghulog ng $800 para ito maideliber.

Nang makapagdeposito, may tumawag sa biktima na nagpakilalang delivery courier at sinabing nagkaproblema sa bagahe at hindi mailabas sa customs dahil may kasama raw itong $30,000 na hindi deklarado.

"Hindi basta-bata ma-release 'yung parcel gawa ng may nakitang item doon sa package na hindi naman na-declare," sabi ni Police Colonel Julius Suriben, PNP ACG-4A chief.

"Its money amounting to $30,000. Ang sabi din ng victim, hinihingan siya ng taga customs ng P150,000 para hindi na siya kasuhan. Ang sabi ng suspek, sige I will pay half, P75,000 daw ang manggagaling sa suspek at sabi naman ni victim, sige akin na rin 'yung P75,000 para makuha ko na," patuloy ni Suriben.

Pero naghinala na raw ang biktima na magkasabwat ang kaniyang online boyfriend at ang nagpakilalang courier kaya nagsumbong na siya sa mga awtoridad.

Napag-alaman na naaresto na ang suspek noong 2018 sa raket na black dollar scam pero nakalaya at lumipat sa love scam.

Gumagamit umano ng mga larawan ng Amerikanong sundalo ang suspek kapag babae ang bibiktimahin at babaeng modelo naman kapag lalaki ang pupuntiryahin.

Nahaharap naman siya sa mga kasong online estafa, identity theft, and violation of the Cybercrime Prevention Act of 2012.--FRJ, GMA News