Magsisimula sa Oktubre 5,2020 ang opisyal na school calendar para sa School Year 2020-2021 at magtatapos naman sa June 16, 2021, ayon sa Department of Education (DepEd).

Ayon sa DepEd, nakatakda naman ang Christmas break mula December 20, 2020 hanggang January 3, 2021.

Una rito, iniurong ng DepEd ang pagbubukas ng klase sa Oktubre 5 sa halip na Agosto 24 dahil na rin sa COVID-19 pandemic, at inaprubahan naman ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Muli namang binigyang-diin ni Briones na walang face-to-face learning ngayong pasukan para na rin sa kaligtasan ng mga mag-aaral.

Ito na rin umano ang pinal na pag-urong sa pagbubukas ng klase.

Pinapayagan naman ng DepEd ang mga pribadong paaralan na magsimula na ng kanilang klase kahit bago pa sumapit ang Oktubre 5 basta ito ay distance o online learning at walang face-to-face classes.

“All systems go tayo for October 5. Mayroong nakaumpisa na, hindi natin ‘yan pipigilan lalo na sa private schools. Sumunod lang sila sa atas ng presidente na sundin ang requirements ng DOH,” ayon kay Briones.

Sinabi pa ng kalihim na maaari pa ring ipa-enroll ng mga magulang ang kanilang mga anak sa mga paaralan na payag pang tumanggap ng late enrollees.

Sa ngayon, tinatayang 23.3 milyon ang mga mag-aaral ang nakapagpatala para mag-aral sa sistemang blended learning.

“Everyday, patuloy pa rin ang late enrollees. Ibig sabihin ang mga parents ay buo ang tiwala sa DepEd,” anang kalihim.

Ayon sa opisyal, "Gawin natin ang lahat ng paraan ng pang-motivate sa mga bata para hindi mawala ang interes nila sa pag-aaral dahil sa tagal na wala silang pasok.”  —FRJ, GMA News