(Paalala, naglalaman ng maselan eksena ang video)

Dahil sa nakasinding gasera na napabayaan, nasunog ang bahay ng pitong-taong-gulang na si Alvin sa Allen, Northen Samar. Ang tanging kasama niya noon sa bahay, ang apat na taong gulang niyang kapatid na babae na si Angelien.

Nang mangyari ang trahediya, nasa Sorsogon ang kanilang amang si Allan na nagtatrabaho roon bilang security guard.

At dahil sa lockdown, natigil sa trabaho si Allan kaya ang misis niyang si Lovely ang kumakayod sa Samar upang matustusan ang kanilang pangangailan.

Katunayan, nasa pier at nagtitinda si Lovely nang mangyari ang sunog.

Hirap man magsalita, sinabi ni Alvin na bumalik siya sa nasusunog nilang bahay para iligtas ang kaniyang kapatid pero nabigo siya.

Bagaman nakaligtas, halos buong katawan naman niya ang nasunog. Ngunit sa kabila ng sakit ng katawan na nararamdaman habang nakatay sa ospital, lagi pa ring naiisip ni Alvin ang kapatid.

Matinding sigaw at iyak ang madidinig tuwing dumidikit ang kaniyang mga sugat sa telang sapin sa higaan. Kaya ang ginagawa ni Lovely, kumukuha siya ng mga sariwang dahon ng saging upang gawing higaan ng kaniyang anak.

Dahil dama ni Lovely ang paghihirap at sakit na nararamdaman ng anak, sana raw ay siya na lang ang nasa kalagayan ng bata.

Ang ama naman na si Allan, nakauwi na si Samar pero hindi pa rin agad mapuntahan ang anak dahil sa ipinatutupad na quarantine protocols.

Ngunit dahil na rin sa matinding pinsala ng sunog na kaniyang tinamo, kinailangan ilipat si Alvin sa mas malaking ospital at pinapangambahan na baka kailanganing putulin ang kaniyang mga paa.

Tunghayan ang matinding pagsubok na pinagdadaanan ni Alvin at ng kaniyang mga magulang sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."

--FRJ, GMA News