Makaraan umanong pagbantaan ng isang babae na ipakukulam at ipababarang kapag hindi iniwan ang kinakasamang lalaki, isang ginang ngayon sa Cavite ang pinapahirapan ng matinding sakit ng tiyan at natatakot na baka muli siyang sumuka at umihi ng mga bulate at palaka.

Sabi ni Aling Hilda sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," ang babaeng nagbanta umano sa kaniya nang makausap niya sa telepono ay dati ring kinakasama ng lalaking naging ka-live in niya noon.

Ang naturang pagsuka at pag-ihi umano ni Hilda ng bulate at palaka ay nasaksihan pa raw umano ng ilan niyang kamag-anak.

Inabutan pa ng "KMJS" si Aling Hilda nang sumpungin ng matinding pananakit umano ng kaniyang sikmura. Sa sakit, napahandusan pa siya sa sahid at tila halos mawalan na ng malay.

Lumapit na rin si Aling Hilda sa albularyo at sinabing ang pagpapatawad lang ng babae ang magiging lunas sa dinadamdam niya.

Pero ang babaeng pinapaniwalaan ni Aling Hilda na sumumpa sa kaniya, itinanggi naman ang naturang paratang.

Para malaman ang kalagayan ng kalusugan ni Aling Hilda, ipinasuri siya sa duktor at nakita ang kaniyang karamdaman. Alamin sa video kung ano ito.

--FRJ, GMA News

Tags: