Patay matapos pagbabarilin sa labas ng kaniyang bahay ang isang aktibong pulis sa Rodriguez, Rizal. Ang mga kaanak ng biktima, nakatanggap din umano ng banta sa kanilang buhay.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, ipinakita ang kuha sa CCTV sa biktimang si Police Staff Sergeant Jon Grecia habang nasa labas ng bahay.

Hindi nagtagal isang lalaking nakamotorsiklo ang dumaan sa lugar ng biktima, at kasunod nito ang isang lalaking naglalakad lang.

Lumampas sa bahay ng biktima ang nakamotorsiklo habang ang lalaking naglalakad, tumakbo papasok sa bakuran ng bahay ng biktima at doon na pinagbabaril ang pulis.

Nang maisagawa ang krimen, tumakbo palabas ang salarin at sinalubong siya ng lalaking nakamotorsiklo at magkasabay na tumakas.

Aktibong pulis umano si Grecia na nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Group sa Camp Crame.

May hinala umano ang pamilya kung sino ang nasa likod ng krimen pero hahayaan daw nila ang awtoridad na magsiyasat sa kaso.

Inilarawan ng anak ni Grecia ang kaniyang ama na mabait at palakaibigan.

Nangangamba rin sila sa kanilang kaligtasan dahil sila man ay nakatanggap din umano pagbabanta sa kanila buhay.

Kaya ang hiling ng anak ni Grecia sa mga kasamahan ng kaniyang ama sa trabaho, tulungan silang mapabilis ang imbestigasyon.--FRJ, GMA News