Patay ang isang babae matapos siyang masagasaan ng truck sa San Andres Bukid sa Maynila. Ang biktima, lumapit daw sa truck driver para manghingi ng limos.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, sinabi ng driver na si Marvin Santos, na naka-red ang traffic light nang lumapit sa kaniya ang biktima.

Kaagad naman daw binigyan ni Santos ng limos ang babae.

Inakala raw niyang umalis na ang babae kaya umandar na siya nang "green" na ang traffic light, at doon niya nasagasaan ang biktima.

Dahil sa pagkakaipit sa gulong, naging pahirapan bago naalis ang katawan ng biktima.

Nasa kostudiya ng pulisya si Santos, na iginiit na hindi niya napansin ang babae. --FRJ, GMA News