Isang babae ang nagtamo ng mahabang sugat sa mukha matapos siyang hiwain ng blade ng nakaalitan niyang bilas sa Caloocan City.

Sa ulat ni Nico Waje sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabi ng biktimang si Gyra Pepito, na nagsimula ang alitan nila ng kaniyang bilas na si Amie Fuentes, nitong Setyembre at nag-ugat sa  pagbabayad ng kuryente.

Nitong Oktubre 6, nauwi na sa pisikalan ang alitan ng dalawa matapos pumunta sa isang handaan.

“Nagkataon po na nag-inuman po kami. ‘Yon ‘yung ako po naka-inom, ‘yun po binuhos ko na po ‘yung sama ng loob ko sa kaniya,” ani Pepito.

ADVERTISEMENT

Bumababa raw ang biktima sa silong kung saan nakatira si Fuentes.

“Bumaba siya tapos minura niya ako. Tapos sinampal niya ako,” sabi ni Fuentes.

Dito na raw nagdilim ang paningin ni Fuentes at hiniwa ang mukha ni Pepito sa pamamagitan ng blade na kakagamit pa lamang niya sa pagtanggal ng balahibo ng baboy.

Hindi bababa sa 33 tahi ang ginawa upang maisara ang mga sugat ni Pepito sa mukha.

“Hindi ko po akalain na mangyayari rin po sa akin ‘yon, ‘yung ganon...na magagawa niya sa akin ng ganito. Hirap po ako kumain, magsalita,” ani Pepito.

Nagpasya naman si Pepito na hindi na magsampa ng kaso laban kay Fuentes.

“Naawa po ako kasi may maliit na bata po ‘yon, eh. Nagkasundo na lang po kami sa baranggay, ano, sagutin niya ‘yung mga gamot ko atsaka ‘yung danyos po,” aniya.

Nagsisisi naman si Fuentes sa ginawa niya sa biktima.

“Nagsisi talaga ako sa ginawa ko sa bilas ko. Nagsisi talaga ako. Hindi nga ako makatulog, eh. Hindi ko nga siya matignan kasi sa ginawa ko,” sabi nito. --Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News