Handa si Senate committee on sports chairperson Christopher "Bong" Go na imbestigahan ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) kaugnay ng alegasyon ng katiwalian sa pag-host ng bansa sa nakaraang 2019 Southeast Asian Games.

"Kung merong magsasampa ng reklamo o resolution sa Senado, handa po tayo at hindi ako mag-aatubiling isagawa ang parallel investigation on the allegations against PHISGOC, on top of what the Ombudsman and the House of Representatives are doing now," sabi ni Go sa isang pahayag.

"Ang importante naman po ay malaman ng taumbayan ang katotohanan. Nagsabi naman po ang PHISGOC, PSC [Philippine Sports Commission], POC [Philippine Olympic Committee] at iba pang nag-organisa ng hosting natin noong 2019 Southeast Asian Games na handa silang sagutin ang mga alegasyon laban sa kanila," dagdag pa ng senador.

ADVERTISEMENT

Si dating Speaker Alan Peter Cayetano ang nagsilbing chairman ng PHISGOC, isang private foundation na namahala sa paghahanda sa hosting ng 30th SEA Games na ginawa nitong 2019.

Ginawa ni Go ang pahayag kaugnay sa panawagan ng ilang miyembro ng POC Executive Board kamakailan na isumite ng PHISGOC ang audited financial statement ng 2019 SEA Games.

Ayon sa senador, nakiusap na rin siya sa Department of Budget and Management na bayaran ang PSC at mga obligasyon ng PHISGOC sa mga supplier na nakibahagi sa hosting ng naturang palaro.

"Ibigay na kaagad dahil ayaw natin na ang mga ordinaryong Pilipino ang pumapasan sa kakulangan ng iilan na makapagbayad on time," ani Go. "Aksyunan na natin ang mga naiwang mga obligasyon at tuldukan na ang mga isyu na konektado rito.

Una rito, sinabi ng PSC na may pagkakautang pa sila ng aabot sa P387 milyon sa mga supplier sa 2019 SEA Games. — FRJ, GMA News