Kaagad na nasawi ang isang rider matapos siyang magulungan ng truck sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, makikita sa kuha ng CCTV ng Barangay 154 na mabagal lang ang takbo ng truck sa bahagi ng Juan Luna St.
Ilang saglit pa, nakita na sa CCTV ang pagdating ng rider at tinangka umano nitong mag-overtake sa kanang bahagi ng sinusundang truck.
Pero mayroon palang tricycle sa naturang gilid ng kalye kaya nag-alangan ang rider at bumangga sa gilid ng truck.
Nagulungan ang rider na agad niyang ikinamatay at nawasak din ang kaniyang motorsiklo.
Nasa kostudiya ng mga awtoridad ang driver ng truck na nagsabing hindi niya napansin ang biktima.--FRJ, GMA News

