Masakit para sa inang si Roche Inabore ang pagpanaw ng kaniyang dalawang-taong-gulang na anak matapos silang tangayin ng baha sa Barangay Tumana, Marikina nang manalasa ang bagyong "Ulysses."

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras," sinabing nitong Biyernes nakita ang bangkay ng batang si Steven Kent na balot ng putik.

Ayon kay Roche, hinihintay niya ang pagbalik ng kaniyang mister na unang inilakas ang 10-taong-gulang nilang anak papunta sa kabilang bahagi ng sapa.

Pero unti-unti na raw tumaas ang tubig sa sapa hanggang sa bumigay na ang kawayan na kanilang kinaroroonan.

Nagkahiwalay na silang mag-ina at wala na siyang nagawa nang tangayin ng tubig ang kaniyang anak.

"Sobrang sakit kasi ginawa ko ang lahat para mailigtas lang siya e. Sabi ko kung puwede nga lang, ako na lang e," malungkot na sabi ni Roche.

Dagdag pa sa pagdadalamhati ni Roche na hindi pa niya nakikita ang kaniyang mister at ang kanilang anak.--FRJ, GMA News