Nasawi ang isang mag-asawa at ang dalawang-taong-gulang nilang anak matapos silang matabunan ng gumuhong pader sa Dasmariñas, Cavite.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Biyernes, isinalaysay ng isa sa mga nakaligtas na natutulog sila sa barracks sa ginagawang pabrika ng plastic nang bumagsak ang pader.

Nagawa naman niyang makatakas pati na rin ang isa pa niyang kasamahan.

Makalipas ang apat na oras, nasagip ang isa pang tao.

Hindi naman pinalad ang nasawing pamilya.

Sinasabing lumambot ang pundasyon ng pader dahil malapit ito sa ilog.

Samantala sa Noveleta, Cavite pa rin, abala na sa paglilinis sa pumasok na baha at putik ang mga residente sa kanilang bahay.

Nakauwi na ang karamihan sa kanila. --Jamil Santos/FRJ, GMA News