Tatlo ang patay at isa ang nakatakas sa engkwentro ng mga awtoridad laban sa isang gun-for-hire group sa North Caloocan.

Iniulat ng "Unang Balita" nitong Miyerkules na nangyari umano ang sagupaan sa kahabaan ng Quirino Highway. 

Ipinahayag ng PNP-Highway Patrol Group na may nag-tip sa kanila na isang gun-for-hire group ang dadaan sa lugar kaya nag-set up sila ng checkpoint.

ADVERTISEMENT

Di kalaunan, namataan ng mga awtoridad ang isang sasakyang kahina-hinala umano ang plaka. At nang makumpirma na karnap ang sasakyan, agad nila itong hinarang.

Nagtangka umanong tumakas ang mga suspek at nang ma-corner ang mga ito matapos ang habulan, dun na nagkaputukan.

Patay ang tatlo sa mga suspek at nakatakas naman ang driver ng kotse.

Ayon sa mga pulis, nag-operate ang grupo sa Region 3 at nagpunta ang mga suspek sa Quezon City.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pakay ang mga suspek sa pagpunta sa Kamaynilaan.

Narekober mula sa mga suspek ang tatlong baril at pitong piraso ang bala. —LBG, GMA News