Naghain ng resolusyon si Senador Grace Poe para ipasuspindi ang ipinatutupad na 100 percent cashless transaction sa mga toll plaza dahil na rin sa mga aberya sa radio frequency identification (RFID) system.
Sa panayam sa radyo nitong Huwebes, sinabi ni Poe, chairperson ng Senate committee on public services, na ipatatawag din niya si Transportation Secretary Arthur Tugade dahil sa mga problema sa RFID na inirereklamo na rin ng ilang lokal na opisyal, bukod pa sa mga motorista.
"Today iniikot na ang resolution na ‘yan galing sa committee ko. Narinig ko na kay Senator Sherwin Gatchalian, na isa sa mga naunang naghain niyan, na susuportahan nga niya itong tawag na ito. Kasi sa DOTr ‘yan... Bakit hahayaan na magbakbakan ang operator at local government at magdusa ang taumbayan," anang senadora.
"We are asking the DOTr to suspend the full implementation of the 100-percent cashless transaction... The system isn’t completely ready," dagdag pa niya.
Dahil sa planong cashless transaction, maraming motorista ang nagtitiis sa mahabang pila para makabitan ng RFID na nagdudulot ng trapiko.
Pinagmumulan din ng pagbagal ng daloy ng mga sasakyan ang hindi pagbasa sa RFID tag ng mga sensor na nasa toll gate.
Nais din ni Poe na alamin kung bakit P500 ang hinihinging minimum load ng ilang toll operator sa mga nagpapakabit ng RFID.
"That minimum load is a big amount for some, especially if the toll they need to pay is just less than P100. That minimum load is even higher than the minimum wage," puna ng mambabatas.
Naghain din ng resolusyon si Sen. Gatchalian para ipasuri ang minimum performance standards compliance ng mga toll operator dahil sa aberya sa pagpapatupad ng RFID system.
Kasama rin sa gusto niyang maimbestigahan ang Toll Regulatory Board na kabilang sa mga dapat magpatupad ng programa.
Una rito, sinuspindi ng kapatid ni Sen. Gatchalian na si Valenzuela Mayor Rex Gatchalian ang business permit ng NLEX sa kaniyang nasasakupan dahil sa kabiguan na makagawa ng hakbang para malutas ang reklamong trapik na dulot pagpapalagay ng RFID tag at mga hindi nakakabasang sensor.
Ilang lokal na opisyal din mayroong toll gate ng NLEX sa kanilang nasasakupan ang nagrereklamo sa katulad na problema sa Valenzuela.—FRJ, GMA News

