Nahirapan sa pagmamaneho ang ilang motorista nitong Huwebes ng gabi dahil sa makapal na hamog o fog na bumalot sa Metro Manila at ilang kalapit na lugar.

Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Biyernes, naging madilim daw ang bahagi ng North Luzon Expressway sa Guiguinto, Marilao at Bocaue sa Bulacan dahil sa fog.

Ganito rin daw ang sitwasyon sa Fairview sa Quezon City at Antipolo City sa Rizal na may mataas na elevation at kung saan bumaba sa 23 degrees Celsius ang temperatura sa magdamag.

Ayon sa PAGASA, ang pagbaba ng temperatura at pagtaas ng humidity o moisture sa ere ang sanhi ng fog.  —KBK, GMA News