Arestado ang ikalawang suspek na sumaksak sa 27-anyos na lalaking naglalakad na kanilang binangga ng tricycle at hinoldap sa Maynila noong Biyernes.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing nadakip ang ikalawang suspek sa Caloocan City sa tulong ng mga impormante.

Positibong kinilala ng biktima na itinago sa pangalang "John" ang 17-anyos na suspek.

"Humingi po siya ng tawad sa akin doon sa nangyari. Sabi ko 'Sa tingin mo ba madidispensahan mo pa 'yung mga ginawa mong pananaksak sa akin?' Kasi naalala ko 'yung pagmumukha niya sir eh," ayon kay John.

Naibenta na ng mga suspek ang ninakaw nilang cellphone mula kay John sa halagang P17,000.

"Sabi niya ibabalik niya raw po 'yung mga ninakaw niya, pero hindi ko alam kung paano niya ibabalik," sabi ni John.

Ayon kay Police Major Roldan Leceta, Deputy Commander ng Sampaloc Police, idinahilan ng suspek na buntis ang asawa kaya nagawa ang krimen.

Ito rin ang ginamit na dahilan ng unang nadakip na suspek.

Dadalhin ang ikalawang suspek sa Manila Youth Reception Center dahil menor de edad lang ito, habang hinihintay ang desisyon ng korte.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News