Sa kaniyang guesting "Fast Talk with Boy Abunda" ngayong Lunes, kinumpirma ng aktor na si Jeric Gonzales na hiwalay na muli sila ni Rabiya Mateo.
Gayunman, tumanggi na si Jeric na idetalye ang dahilan ng kaniyang hiwalayan, pero sinabing niyang isang taon na siyang single.
“Si Rabiya kasi, wala siyang binanggit about sa topic na 'to, about sa breakup. So parang bilang respeto sa kaniya, Tito Boy, ayokong magsalita about it," pahayag ni Jeric na naunawaan naman ng TV host.
Inihayag din ng binata na ipinaglaban nila ang kanilang relasyon at mutual decision ang kanilang paghihiwalay.
"But of course, there are things din mutually na nakapagsunduan din namin na parang kung ilalaban natin 'to, mas mahihirapan tayong pareho. Parang, we have to grow," paliwanag niya.
Idinagdag niya na nananatiling silang magkaibigan ni Rabiya.
Nagpasalamat si Jeric kay Rabiya sa mga natutunan niya sa kanilang naging relasyon at pag-aalaga sa kaniya.
"And of course, she loved me for who I am," anang aktor. "I mean showbiz, it's very difficult na magkaroon ng relasyon, but lahat inintindi niya 'yon. Malawak siyang tao, si Rabiya."
Humingi rin siya ng paumanhin kay Rabiya.
"Sorry kasi sana nga masamahan ko pa siya ngayon sa lahat ng journey niya," Jeric said. "I'm proud of her, and I wish her all the best pa rin sa lahat ng ginagawa niya."
Marso 2022 nang kumpirmahin nina Jeric at Rabiya ang kanilang relasyon pero kinalaunan ay naghiwalay sila at muli namang nagkabalikan.
Noong 2024, itinanggi ni Rabiya ang usap-usapan na hiwalay na muli sila ni Jeric. Pero noong nakaraang Setyembre, sinabi ni Rabiya na single na siya.—Nika Roque/FRJ GMA Integrated News
